
Bago umuwi kaninang umaga sa aming bahay, napag pasiyahan kong bumili ng merienda para kay Dyn-dyn saktong sakto dahil ito ang prompt para ngayong araw.
Tinanong ko ang ale na nagtitinda ng turon at banana cue kung magkano ang isa, at sinabing benta pesos daw. Ito ay ang paborito kong kainin noon palang dahil sa mabilis makabusog at mura nadin.
Noong nasa Biñan pa ako sa aming lugar, ang isang turon ay nagkakahalaga ng siyete pesos at kinse naman sa banana cue. Kung iisipin mo ay napaka mura niya ngunit hindi rin dahil sa ang saging sa banana cue ay iisa lamang na hahatiin sa dalawa at ang banana cue naman ay dalawang maliit na saging na saba.
Bago ako matutong mamalengke, hindi ko alam ang presyo nang mga bagay-bagay ngunit nito nang ako na ang namamalengke sa bahay ang isang piraso ng saba ay nagkakahalaga ng dos o tres pesos lang, isama mo ang wrapper ng lumpia, kaunting asukal, mantika at apoy na gagamitin parang makatarungan parin naman ang siyete sa turon. Pero ang banana cue, ayan ang hindi ko matanggap na kinse.
Masarap ipareha ang dalawang meryendang ito sa kape at kapag ako ay nauwi noon sa aming bahay nung akoý binata pa at walang maisip na almusal ay ito ang aking ginagawang almusal. Madalas kasi ay kung ano ang naging hapunan ay kung ano ang matitira yun din ang nagiging almusal kinalaunan para makatipid ba.
Bumili lang ako kanina ng tatlong turon at dalawang banana cue, pinatanggal ko nadin ang stick dahil mahirap bitbitin di ko naman siya kakainin sa kalsada kaya mas ayos na ganoon nalang ang gawin.
Nang ako ay nakauwi na sa bahay, inilagay ko lang siya sa isang microwaveable na lalagyan at pinagsaluhan namin ang pagkain. Ang natira ay aking midnight-snack ngayong madaling araw.